REFORESTATION DRIVE, ISINAGAWA SA BRGY. BARLO, MABINI

Nagpakita ng pagkakaisa ang iba’t ibang sektor ng komunidad sa Mabini sa isinagawang reforestation drive sa Barangay Barlo matapos magsanib-puwersa ang Pamahalaang Bayan, Capital One Mabini Solar Inc., at mga boluntaryo sa pagtatanim ng daan-daang punla bilang suporta sa pangangalaga ng kalikasan.

Nakiisa sa aktibidad ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga residente at boluntaryo upang magtanim ng mga punla sa mga itinakdang green zones sa bayan.

Mahalaga umano ang aktibong partisipasyon ng komunidad sa pagpapatupad ng climate action plan ng bayan, na naglalayong palawakin ang forest cover, maiwasan ang soil erosion, at mabawasan ang epekto ng climate change sa mga baybaying lugar at kanayunan.

Samantala, sinabi ng kalahok na incorporation na bahagi ng kanilang corporate social responsibility program ang pakikilahok sa reforestation drive bilang suporta sa mga inisyatiba ng lokal na pamahalaan para sa pangangalaga ng kapaligiran at pagsusulong ng environmental sustainability.

Hindi lamang sa pagtatanim nagtapos ang aktibidad, dahil pangangasiwaan at regular na imo-monitor ng mga opisyal ng barangay at environmental officers ang mga itinanim na punla upang matiyak ang kanilang paglago at mapanatili ang mataas na survival rate.

Inaasahang magdudulot ang proyekto ng pangmatagalang benepisyo sa komunidad at sa kalikasan sa pamamagitan ng patuloy na pagtutulungan ng iba’t ibang sektor. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments