DALAWA, PATAY SA PANANAKSAK HABANG NATUTULOG SA VILLASIS, PANGASINAN

Humihingi ngayon ng hustisya ang pamilya ng mga biktima ng pananaksak ng isang hindi pa natutugis na suspek dito sa Brgy. Piaz, Villasis, Pangasinan gabi ng Mayo 31.

Patay ang isang 40-anyos na babae at ang kasamang 42-anyos na lalaki matapos silang pagsasaksakin habang natutulog sa loob ng isang bahay sa naturang barangay.

Ayon sa paunang imbestigasyon ng Villasis Police Station, nagimbal umano ang dalawang saksi sa malalakas na sigaw mula sa isang bahay.

Nang kanilang tingnan, tumambad ang suspek na umano’y paulit-ulit na sinaksak ang dalawang biktima habang natutulog.

Tumakas sa likurang bahagi ng bahay ang suspek dala ang gamit na patalim. Kalaunan, kinilala itong live-in partner ng babaeng biktima.

Kapwa nagtamo ng maraming saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang mga biktima na sanhi ng kanilang agarang pagkamatay.

Isa sa mga tinitingnang anggulo ng mga awtoridad ay posibleng krimen na may kaugnayan sa personal na relasyon o “crime of passion,” subalit patuloy pa itong iniimbestigahan.

Sa panayam ng IFM News Dagupan sa pamilya ng isa sa mga nasawi, umaasa silang mabibigyan ng hustisya ang sinapit ng kanilang kaanak at agad na matugus ng mga awtoridad ang suspek para panagutan ang ginawang krimen.

Sa ngayon, humihingi ng privacy ang pamilya ng mga biktima. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments