Saturday, October 24, 2026

Dalawang armadong suspek, napatay sa engkuwentro sa Taguig; patuloy ang manhunt sa dalawa pang kasamahan

Napatay ang dalawang armadong suspek matapos makipagbarilan sa mga pulis sa isinagawang Oplan Sita sa Barangay Western Bicutan, Taguig City, noong Oktubre 22.

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), pinara ng mga tauhan ng Taguig City Police Station ang apat na lalaking sakay ng magkakahiwalay na motorsiklo matapos mapansing may mga lumalabag sa helmet law. Sa halip na sumunod, umano’y bumunot ng baril ang mga suspek, itinapat ito sa mga pulis at nagtangkang tumakas.

Dalawa sa mga suspek ang nagtago sa loob ng isang bahay, dahilan upang rumesponde ang SWAT. Sa kabila ng panawagan ng mga awtoridad na sumuko, nagpaputok umano ang mga suspek kaya napilitang gumanti ng putok ang mga pulis na nagresulta sa kanilang pagkamatay.

Sa isinagawang beripikasyon, lumabas na ang isa sa mga napatay ay may mga naunang kaso ng Kidnapping for Ransom, Serious Illegal Detention, at Frustrated Homicide, habang ang isa naman ay may rekord sa dalawang magkahiwalay na kaso ng Murder.

Narekober sa pinangyarihan ang dalawang baril, kabilang ang isang Jericho 9mm pistol, na sasailalim sa ballistic examination upang matukoy kung ginamit sa mga hindi pa nareresolbang pamamaril sa Taguig. Sinusuri rin ang isang Honda Click motorcycle na may binurang engine number.

Kinilala na rin ng pulisya ang isa sa dalawang nakatakas na suspek na may mga naunang kaso kabilang ang Kidnapping for Ransom at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act, habang nagpapatuloy ang manhunt sa natitirang mga suspek.

Facebook Comments