Matagumpay na naaresto ng Police Regional Office 1 (PRO 1) ang dalawang Provincial-Level Most Wanted Persons sa magkahiwalay na operasyon sa lalawigan ng Pangasinan bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa mga pinaghahanap ng batas.
Sa bayan ng Mangaldan, pinangunahan ng mga operatiba ng Mangaldan Municipal Police Station (MPS), katuwang ang Urdaneta City Police Station, Provincial Intelligence Team (PIT) Pangasinan, at Regional Intelligence Unit 1, ang pag-aresto sa Top 6 Most Wanted Person ng lalawigan. Ang suspek, isang security guard at residente ng Mangaldan, ay nahaharap sa anim na bilang ng kasong Qualified Rape of a Minor.
Kasalukuyang nakapiit ang akusado sa custodial facility ng Mangaldan MPS habang hinihintay ang commitment order mula sa korte.
Samantala, sa Lingayen, matagumpay ring nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Lingayen Municipal Police Station at Police Station 8 ng Baguio City Police Office ang Top 8 Most Wanted Person ng lalawigan na nahaharap sa kasong rape.
Binigyang-diin ni Police Brigadier General Jovencio S. Badua Jr., Acting Regional Director ng PRO 1, ang kahalagahan ng matagumpay na operasyon sa patuloy na kampanya laban sa kriminalidad at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon.
Patuloy namang tiniyak ng PRO 1 ang kanilang matatag na paninindigan na tugisin at papanagutin ang mga taong may kinahaharap na kaso sa batas sa pamamagitan ng tuloy-tuloy at mas pinaigting na operasyon sa buong rehiyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








