PNP DAGUPAN, MULING NAGPAALALA SA PUBLIKO HINGGIL SA ANTI-BASTOS LAW

Muling pinaalalahanan ng Philippine National Police (PNP), sa pamamagitan ng City Mobile Force Company ng Dagupan Police Office, ang publiko tungkol sa mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 11313 o Safe Spaces Act, na mas kilala bilang Anti-Bastos Law.

Ayon sa inilabas na impormasyon ng kapulisan, kabilang sa mga ipinagbabawal na gawain sa ilalim ng batas ang catcalling, wolf-whistling, at mga hindi kanais-nais na pahayag na may sekswal na kahulugan. Ipinagbabawal din ang panghihipo, pagpisil, o anumang hindi awtorisadong pagdikit sa katawan ng ibang tao.

Saklaw rin ng batas ang stalking, patuloy na pagsunod sa isang tao, at paglabag sa personal na espasyo ng iba, gayundin ang paggamit ng malisyosong biro, kilos, o ingay na maaaring magdulot ng takot, kahihiyan, o pang-aabala sa biktima.

Nakasaad sa Safe Spaces Act na may kaukulang parusa ang mga lalabag dito. Para sa unang paglabag, maaaring patawan ang lumabag ng multang ₱1,000, community service na hindi bababa sa 12 oras, at pagdalo sa Gender Sensitivity Seminar. Mas mabigat naman ang kaparusahan para sa mga susunod na paglabag, kabilang ang mas mataas na multa, mas mahabang oras ng community service, at mandatoryong seminar.

Sa mas mabibigat na kaso, maaaring umabot sa ₱10,000 ang multa at magkaroon ng pagkakakulong ng hanggang 30 araw depende sa bigat ng paglabag.

Hinimok ng kapulisan ang publiko na maging responsable sa kanilang mga kilos at pananalita at igalang ang karapatan at dignidad ng bawat isa upang mapanatili ang ligtas at maayos na komunidad para sa lahat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments