Matagumpay na naipatupad ang kauna-unahang EduKIT SC Project sa Balaya Elementary School bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng pamahalaang lokal ng San Carlos City ng mga programang nakatuon sa edukasyon, kalusugan, at pag-unlad ng kabataan.
Ang programa, na isinagawa sa pangunguna ng Local Youth Development Office (LYDO) at City Health Office (CHO), ay bahagi rin ng suporta ng lungsod sa Brigada Eskwela 2026.
Sa ilalim ng School Supplies Distribution Program cum Medical and Dental Mission, mahigit 200 mag-aaral ang nabigyan ng school kits upang makatulong sa kanilang paghahanda para sa pagbubukas ng klase.
Bukod dito, nakinabang din ang mahigit 300 residente at mag-aaral sa libreng medical check-up at dental services. Nagkaroon din ng libreng gupit para sa mahigit 70 mag-aaral at mamamayan, habang ipinamahagi rin ang mga kinakailangang gamot at iba pang serbisyong medikal.
Layunin ng EduKIT SC na matiyak na ang mga mag-aaral ay handa, malusog, at may sapat na kagamitan para sa panibagong taon ng pag-aaral. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







