
Dalawang sasakyan ang nasangkot sa isang vehicular traffic incident sa kahabaan ng national road sa Barangay Magalong, Mabini, Pangasinan bandang alas-7:30 ng gabi noong Abril 26, 2026.
Batay sa paunang imbestigasyon, isang pampasaherong jeepney ang bumabaybay sa eastbound lane habang ang isang motorsiklo na may sidecar ay mula naman sa kasalubong na direksyon. Pagsapit sa pinangyarihan ng insidente, umano’y napunta sa linya ng jeepney ang motorsiklo na naging sanhi ng salpukan ng dalawang sasakyan.
Dahil sa banggaan, nagtamo ng mga pinsala ang driver at backrider ng motorsiklo. Agad silang isinugod ng mga rumespondeng MDRRMO personnel sa Western Pangasinan District Hospital sa Alaminos City para sa agarang gamutan. Samantala, hindi nasugatan ang driver ng jeepney at ang mga pasahero nito, subalit isinailalim pa rin sa medical examination ang driver bilang bahagi ng standard na proseso.
Kapwa nagtamo ng pinsala ang dalawang sasakyan at dinala sa himpilan ng pulisya para sa kaukulang disposisyon. Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy ang buong detalye at pananagutan sa insidente. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









