
Nagsagawa ng pinaigting na police presence at information drive ang Aguilar Police Station sa Maples River sa Barangay Pogonsili, Aguilar, Pangasinan bilang bahagi ng paggunita ng Ligtas Summer Vacation 2026.
Layunin ng aktibidad na matiyak ang kaligtasan ng mga turistang dumarayo sa nasabing pasyalan kasabay ng muling pagbubukas nito sa publiko. Sa pamamagitan ng Oplan Bandillo, nagsagawa ang mga pulis ng visitation at pakikipagdayalogo sa mga bisita upang ipaalala ang mahahalagang panuntunan sa lugar.
Kabilang sa mga ipinatutupad na alituntunin ang limitadong oras ng operasyon mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng gabi, pagbabawal sa pagtalon o pag-dive sa mabababaw na bahagi ng ilog, at mahigpit na pagbabantay sa mga bata. Ipinagbabawal din ang pagtakbo sa gilid ng ilog, pagkain sa tabi nito, at pag-inom ng alak o anumang nakalalasing na inumin.
Pinayuhan din ang mga bisita na ingatan ang kanilang mga personal na gamit, sundin ang mga tagubilin ng lifeguard, at panatilihin ang kalinisan sa pamamagitan ng tamang pagtatapon ng basura.
Sa pamamagitan ng ganitong hakbang, layon ng mga awtoridad na mapanatili ang kaayusan at maiwasan ang anumang aksidente habang tinatangkilik ng publiko ang nasabing destinasyon. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










