
Hindi nagpatinag si Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr., sa ginawang sanctions sa kanya at sa kaniyang pamilya ng China.
Nabatid na inanunsyo ng Foreign Ministry Spokesperson ng China ang pagpapataw ng sanctions laban kay Teodoro at sa kaniyang pamilya dahil sa paulit-ulit umano nitong iresponsableng pahayag sa China na tinuturing nilang nakakasama sa relasyon ng Pilipinas at ng kanilang bansa.
Sa nasabing sanctions, napagdesiyunan ng China na i-ban si Teodoro at ang kaniyang pamilya sa pagpasok sa Chinese mainland, Hong Kong at Macao, pati na ang pagbabawal sa pagsasagawa ng anumang transakyon o aktibidad sa kanya at sa kaniyang pamilya.
Sa pahayag na inilabas naman nito, sinabi niya na karapatan naman umano ng China ang nasabing pagsasagawa ng hakbang laban sa kanya.
Aniya, karaniwan naman umano sa China ang pag-target sa mga nagsasabi ng katotohanan patungkol sa kanilang panlilinlang kung saan mas grabe pa ang tinatamasa ng ilang mamamayan ng China at iba pang mga lugar na nasa ilalim ng impluwensya nito.
Nanindigan din si Teodoro na itutuloy lamang nito ang kaniyang tungkulin sa paprotekta sa bansa at sa karagatang nasasakupan nito.










