Friday, June 12, 2026

Estados Unidos, nagpaabot ng pagbati sa pagdiriwang ng Independence Day ng Pilipinas

Nagpaabot ng pagbati ang Estados Unidos sa padiriwang ng ika-128 Araw ng Kasarinlan ng Pilipinas.

Sa inilabas na pahayag ng US Embassy, nagbigay ng mensahe si US Secretary of State Marco Rubio para sa mga Pilipino kung saan binigyang-diin nito ang matatag na ugnayan ng Pilipinas at Estados Unidos na umaabot na sa 80 taon ng diplomatic relations.

Nananatili aniyang matibay ang commitment ng Amerika sa mutual defense agreement ng dalawang bansa habang ginugunita rin ngayong taon ang ika-75 anibersaryo ng 1951 Mutual Defense Treaty.

Nagpahayag din ang US ng suporta sa Pilipinas bilang chair ng ASEAN ngayong taon at muling pinagtibay ang pagtutulungan ng dalawang bansa para sa isang malaya at bukas na Indo-Pacific Region.

Binanggit din niya ang pagpapalalim ng economic cooperation sa pamamagitan ng Luzon Economic Corridor at pagpapaunlad ng matatag na critical mineral supply chain.

Mas tumitibay rin aniya ngayon ang ugnayan ng dalawang bansa dahil sa mahigit apat na milyong Filipino-Americans na naninirahan sa US at mahigit 750,000 Amerikano na nakatira sa Pilipinas.

Umaasa naman ang Estados Unidos na lalo pang mapapalalim ang pakikipagtulungan nito sa Pilipinas para sa kapayapaan, seguridad, at kaunlaran sa mga susunod na taon.

Facebook Comments