
Pinaiimbestigahan ni Senator Robinhood Padilla sa kaukulang komite sa Senado ang tungkol sa pagkamatay ng dalawang atleta ng Ateneo Men’s Basketball Team.
Nitong June 8, nasawi sa team-building activity ang dalawang student-athletes ng Ateneo de Manila University (ADMU) na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Maghahain ng resolusyon si Padilla sa Lunes para magsagawa na ng motu proprio investigation para siyasatin ang tunay na pangyayari sa pagkamatay ng dalawang atleta na may layong i-review at palakasin ang safety protocols ng mga school-related activities tulad ng sports.
Nilinaw ng senador na ang imbestigasyon ay hindi para maghanap ng sisisihin sa trahedya kundi tukuyin ang mga repormang kailangan upang hindi maulit ang kahalintulad na insidente.
Susuriin din sa ikakasang imbestigasyon kung sapat ang mga umiiral na pamantayan sa risk assessment, supervision, emergency preparedness, at crisis response para sa mga aktibidad na inorganisa ng mga paaralan partikular na ang mga outdoor, athletic, adventure-based, at iba pang gawaing may kaakibat na panganib.










