
“Baka hindi accurate at exaggerated”
Ito ang inihayag ni Defense Counsel Atty. Michael Poa kaugnay ng pagtutol ng defense team sa AI-generated na larawang ₱125 milyon na confidential funds na ipinakita ng prosecution team sa impeachment trial ni VP Sara Duterte sa Senado.
Aniya, kinakailangan nilang mag-object dahil kailangan nilang malaman ang naging basehan ng prosecution kung bakit AI ang kanilang ginamit.
Dagdag pa niya, minsan ay hindi talaga ipinapakita ng AI ang totoong itsura ng mga bagay-bagay.
Kaugnay nito, ayon pa kay Poa, naiintindihan naman niya ang side ng prosecution dahil maaaring gusto lamang nilang magpakita ng graphics kung ano ang punto na gusto nilang ipasok sa kanilang pagtatanong sa testigong si OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta.
Nabatid na sa kabila ng pagtutol ng depensa ay ipinagpatuloy pa rin ang pagtatanong kay Acosta, kung saan ni-note na lamang ni Presiding Officer Chiz Escudero ang nasabing objection ng defense team.










