Monday, August 17, 2026

Dating OVP Special Disbursing Gina Acosta, itinuro ang security officer na nag-conceptualize ng mga programa at activities para sa paggagamitan ng confidential funds

Itinuro ng dating Special Disbursing Officer (SDO) ng Office of the Vice President (OVP) na si Gina Acosta ang security officer ng OVP na siyang kasama sa bumuo ng mga programa at aktibidad para sa confidential operations ng ahensya.

Sa pagpapatuloy ng Day 16 ng impeachment trial, inamin ni Acosta na kay Vice Presidential Security and Protection Group (VPSPG) Commanding Officer Colonel Raymund Dante Lachica siya kumukuha ng impormasyon at financial plans para sa paggagamitan ng confidential funds.

Ipinakita ni Atty. Amando Ligutan ang OVP Program and Financial Plan kung saan nakapaloob ang mga programa, aktibidad at proyekto sa ilalim ng Section na Good Governance Program kung saan ayon kay Acosta kabilang sa mga confidential activities ang Libreng Sakay Program at Financial Medical Assistance ng OVP.

Inamin ni Acosta na si Lachica ang nagbibigay sa kanya ng inputs at guidelines patungkol sa mga confidential operations.

Kasama aniya ng OVP si Lachica sa pag-conceptualize ng mga programa at aktibidad na paggagamitan ng confidential funds at ito ay “approved by” o inaprubahan naman ni VP Duterte.

Samantala, sinita naman ni Senator-judge Erwin Tulfo si Acosta na tila hirap na hirap sa pagsasalita ng Tagalog gayong batay sa transcripts ng Kamara sa ginanap na pagdinig noong November 2024 ay nagsasalita ng Tagalog si Acosta.

Kanina sa pagsisimula ng paglilitis ay humiling si Acosta kung pwedeng sa Bisaya na lamang siya magsalita dahil hirap siyang mag-Tagalog.

Puna ni Tulfo, tigilan na ang panloloko sa kanila ni Acosta dahil malinaw sa transcripts ng pagdinig na nakakaintindi at nakakapagsalita ng Tagalog ang witness.

Facebook Comments