Monday, August 17, 2026

Ex-OVP SDO Acosta, inaming siya ang nag-encash ng ₱125 milyon confidential funds ng OVP; prosecution team, naglabas ng representation sa paglabas ng confi funds mula sa bangko

Inamin ni dating Office of the Vice President (OVP) Special Disbursing Officer (SDO) Gina Acosta na siya ang nag-encash ng ₱125 milyon confidential funds ng OVP noong December 20, 2022.

Sa impeachment trial, kinuwestyon ng prosecution team si Atty. Amando Ligutan kung minadali ba ang proseso sa pag-encash ng confidential funds dahil ang paglagda ng voucher, paghahanda at pag-release ng tseke ay nangyari sa parehong araw.

Sa paglilitis din ay ipinakita ni Ligutan ang simulation o representation ng ₱125 milyon na confidential funds, kung saan inilapag at ipinakita niya sa witness stand ang ilang bundle ng pera na may tig-₱1,000, na aabot sa ₱1 milyon bawat bundle.

Sinabi ni Acosta na may pagkakapareho ang bundle-bundle na perang ipinakita ng prosecution sa ₱125 milyon confidential funds na kanyang na-encash.

Sinabi ni Acosta na mula sa dalawang kahon na pinaglagyan ng confidential funds ay inilipat niya ito sa apat na itim na traveling bags na may pahabang zipper.

Inamin din ni Acosta na si Vice President Sara Duterte ang nag-utos na i-release ang pera at ibigay kay Lachica na aniya’y siyang nagpapatupad ng confidential activities ng OVP noong 2023.

Gayunman, idiniin ni Ligutan na si Acosta ang accountable officer sa confidential funds at hindi ito dapat ibinigay sa isang security officer, salig na rin sa Joint Circular 2015-01.

Katwiran naman ni Acosta, si Lachica ang eksperto sa implementasyon ng confidential activities dahil siya ang may access sa national security at ito ay may utos mula sa head ng kanilang ahensya na si VP Sara.

Facebook Comments