DENR, inirekomenda ang pagkakaroon ng integrated QR code system para mamonitor ang dumarating na turista sa Boracay

65

Inirekomenda ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang pagkakaroon ng integrated QR code system upang makontrol ang bilang ng bumibisitang turista sa Boracay Island.

Partikular na kinumbinsi rito ng ahensya ay ang Department of Tourism, Department of the Interior and Local Government at ang mga lokal na pamahalaan ng Aklan at ng Malay

Kasunod na rin ito ng pagdagsa ng bilang ng mga bumisita sa Boracay kung saan ay lumampas ito sa itinakdang ‘carrying capacity’ ng isla sa nakalipas na Holy Week.


Mula Abril 14 hanggang 15, umabot ang bilang ng turista sa 21,011 at 22,278 batay sa pagkakasunod.

Base sa pag-aaral na kinomisyon ng DENR noong 2018, ang dapat na bilang ng turista sa Isla ng Boracay ay 19,215 kada araw o 6,405 arrivals kada araw ayon sa three-day stay.

Sinabi ni DENR Undersecretary for Policy, Planning and International Affairs Atty. Jonas Leones, kinakailangang magkaroon ng real-time monitoring system upang malaman ang bilang ng mga turista na mabibigyan ng QR code sa partikular na petsa.



Inirekomenda din ng DENR ang pagsusuri ng data ng airline at shipping passengers at ang kabuuang bilang ng akomodasyon na nag “book” ng mga turista upang maiwasan ang overbooking.

Sinabi pa ni Leones na ang Ecosystems Research and Development Bureau ng DENR ang naatasan para pag-aralan ang posibilidad na dagdagan ang carrying capacity.


Gayunman, ang anumang mabubuong polisiya ay dapat pa ring nakabatay sa siyensya.

Facebook Comments