Umabot sa 28 katao ang naaresto ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa loob lamang ng isang linggo matapos magsagawa ng 26 na magkakahiwalay na operasyon laban sa ilegal na droga sa iba’t ibang bahagi ng Rehiyon 1.
Batay sa ulat ng PRO 1, isinagawa ang mga operasyon mula Hunyo 8 hanggang 14, 2026 bilang bahagi ng pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga sa ilalim ng Enhanced A.L.E.R.T.O. Framework na isinusulong ni Acting Regional Director PBGEN Jovencio S. Badua Jr.
Bukod sa pagkakaaresto ng mga suspek, nakumpiska rin ng mga operatiba ang tinatayang 169.86 gramo ng hinihinalang shabu at pitong gramo ng pinatuyong dahon ng marijuana. Tinatayang nasa P1.15 milyon ang kabuuang halaga ng mga nakumpiskang ilegal na droga.
Patuloy ang mas pinaigting na kampanya ng kapulisan laban sa ilegal na droga sa pamamagitan ng pinagsamang lakas ng intelligence operations, aktibong pagpapatupad ng batas, at pakikipagtulungan ng komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








