Saturday, September 19, 2026

PCG, patuloy na iniimbestigahan ang nasunog na barko sa Coron, Palawan

COURTESY: Philippine Coast Guard

In-activate ng Philippine Coast Guard (PCG) ang Maritime Safety at Crime Investigation, dalawang set ng investigation team, para sa patuloy na pag-iimbestiga sa pinagmulan ng sunog sa loob ng barkong M/V June Aster na nasunog noong September 9 sa Coron, Palawan.

Sa Saturday News Forum, sinabi ni PCG Spokesperson Noemie Cayabyab na kabilang sa inaalam sa imbestigasyon ay ang historical data ng barko at ang posibleng pinagmulan ng sunog.

Dagdag pa rito, inaalam din kung nasunod ba ng kapitan ng barko ang instructions at standard emergency procedure nang malaman ang nasabing sunog at kung may mga kargamentong hindi naideklara sa Masters Declaration of Safe Departure (MDSD), na isinumite ng kapitan ng barko, lalo’t marami sa mga nakaligtas na pasahero ang nagsabing nagmula ang usok sa loob ng engine room at cargo deck, na may kargang limang motorsiklo, isang electric vehicle, pick-up van, forklift, at cold storage van, maging ang karaniwang karga ng barko gaya ng bigas at iba pa.

Sakaling mapatunayang may nakalusot o may pinalusot na kargamento sa barko na hindi idineklara, posibleng maharap ang kapitan ng barko sa kasong misdeclaration o fraudulent entry in the MDSD Form, na posibleng magresulta sa pagkakasuspendi ng kanyang lisensya at pagbabayad ng multa, depende sa tindi ng kaniyang pagkakasala.

Sa ngayon, patuloy na nagkakasa ng secondary sweep o muling pagsuyod sa buong barko ang PCG, katuwang ang PNP SOCO, at Coron Municipal Station para makahanap pa ng karagdagang ebidensya na makakatulong sa imbestigasyon.

Samantala, naitala naman ng mga awtoridad ang 77 kataong namatay sa nasabing insidente, 43 ang nakaligtas, habang walo naman ang patuloy pang hinahanap.

Facebook Comments