
Suportado ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang isinusulong ng ilang mga kongresista na imbestigahan ng Kamara ang Pax Silica.
Ang Pax Silica ay inisyatiba na pinangungunahan ng Estados Unidos na layuning palakasin ang suplay ng mga semikonduktor, Artificial Intelligence (AI), at mga kritikal na mineral at sa ilalim nito ay isang malaking AI-industrial hub ang itatayo sa New Clark City, sa Tarlac.
Ang malaking proyekto kaugnay sa Pax Silica ay isa sa mga ibinida ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address (SONA) dahil inaasahang magbibigay ito ng maraming trabaho at makakatulong sa pagpapalakas ng ekonomiya.
Para kay Rep. Marcos, may batayan ang mga agam-agam kaugnay sa Pax Silica kaya mainam na mabusisi ito ng Kongreso para na rin mabatid ang katotohanan at maituwid ang mga fake news.
Ayon kay Rep. Marcos, daan din ang legislative inquiry para masilip ang kahinaan ng proyekto at agad itong maisaayos.
Naniniwala si Cong. Sandro na may malaking potensyal ang proyekto pero dapat matiyak na tama ang lahat ng hakbang hinggil dito.










