
Kinumpirma ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na ipinatawag na nila ang mga producer ng “It’s Showtime” kaugnay sa kontrobersiyal na episode nila noong July 24.
Ito ay dahil sa sinasabing inappropriate na eksena at racially insensitive at colorist na komento na umani ng batikos mula sa netizens.
Batay sa notice to appear ng MTRCB, maraming ulat at reklamo ang natanggap nila mula sa mga concerned citizen tungkol sa episode at sa mga kilos at salita ng TV host at comedian na si Vice Ganda.
Dahil dito, inutusan ng MTRCB ang GMA Network Inc. at ABS-CBN Corporation bilang respondents na dumalo sa isang hearing ng MTRCB Hearing and Adjudication Committee na idaraos alas-10:30 ng umaga bukas.
Partikular na inireklamo anila ng mga concerned citizen ang diumano’y racist at colorist na pahayag ni Vice at ang “lugaw” scene nila ni Ion Perez.
Nauna nang nag-sorry ang komedyante noong July 25 dahil sa naging biro sa mga nakaraang episode.
Layon ng pagpapatawag na malaman ng ahensiya kung may nalabag sa probisyon ng Presidential Decree No. 1986 kaugnay sa mga ipinapalabas sa telebisyon.










