
Siniguro ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Vince Dizon na hindi mabigat ang epekto ng isasagawang rehabilitasyon sa C-5 Road mula Kalayaan Interchange hanggang Capitol Hills Drive sa Commonwealth sa Quezon City.
Ang naturang kalsada kasi ay pangunahing daanan ng mga motorista lalo na ang mga malalaking truck kaya hindi na maganda ang pavement ng kalsada.
Ayon kay Dizon, gaya ng ginawa sa EDSA rehabilitation, isasagawa ang proyekto tuwing gabi para hindi mabigat ang daloy ng trapiko.
Kailangan na aniya nilang i-rehabilitate ang C-5 Road lalo na’t mayroon nang malalalim at sobrang lubak na bahagi ng kalsada.
Una rito, inanunsiyo ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Giovanni Lopez na sasailalim sa mahigit isang taon ang rehabilitasyon sa C-5 Road.
Ayon kay Lopez, sisimulan ang rehabilitasyon sa huling linggo ng Nobyembre at aabutin ito ng 420 calendar days o isang taon at dalawang buwan.










