
China at hindi ang ating Saligang Batas ang may sala kung bakit hindi tayo makapag exploration sa sariling mga likas na yaman para sana sa supply ng langis at natural gas.
Ito ang muling tugon ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Jay Tarriela sa tila palitan nila ng pahayag ni Sen. Robin Padilla sa isyu ng joint exploration sa ating mga karagatan.
Sinabi kasi ni Padilla na dalawang pangulo na ng Pilipinas na sina dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo at Rodrigo Duterte ang nagsulong noon ng joint exploration kasama ang China pero hindi natuloy dahil ipinagbabawal sa Konstitusyon.
Sumagot naman dito si Tarriela na hindi ang Saligang Batas ang may kasalanan kun’di ang China dahil nais lamang ng Konstitusyon na pigilan ang hindi patas na pag-exploit sa ating likas na yaman.
Idineklarang unconstitutional at pinawalang bisa ang Joint Marine Seismic Undertaking ng Pilipinas at China dahil nasa loob ng ating exclusive economic zone ang lugar at nakasaad na anumang likas na yaman doon ay pag-aari ng Republika.
Hindi naman natuloy ang plano rin ng dalawang bansa noong 2018 dahil sa hindi pagpayag ng China na kilalanin na atin ang langis at gas sa naturang bahagi ng karagatan.
Sinabi pa ni Tarriela na maaari namang pumasok sa joint development kasama ang dayuhang korporasyon basta’t naaayon sa requirements ng ating Konstitusyon at Service Contract System.
Nag-ugat ang palitan ng pahayag sa post ni Tarriela na ang China ang may kasalanan kung bakit tayo hindi makapag-explore sa Recto Bank na makakatulong sana ngayong mataas ang presyo ng petrolyo.










