
Magsasagawa ngayong araw ng inspeksyon sa Arrival Area ng NAIA Terminal 3 ang Department of Transportation (DOTr) bilang bahagi ng paghahanda para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Undas 2026.
Isasagawa ang inspeksyon alas-7:00 ng umaga sa Terminal 3 Arrivals, malapit sa Pass Control Area, upang tiyakin ang kahandaan ng mga pasilidad, seguridad, at maayos na daloy ng mga pasahero.
Bahagi ito ng patuloy na hakbang ng DOTr upang mapanatili ang ligtas, maayos, at episyenteng operasyon sa Ninoy Aquino International Airport sa panahon ng Undas.
Samantala, wala pa ring mga pasahero sa isang bus terminal sa Pasay City kahit sinasabing ngayong araw hanggang bukas ang peak ng mga pasaherong uuwi sa mga probinsya para sa Undas.
Ayon sa mga bus driver at conductor, mas tinatangkilik daw ng mga pasaherong uuwi pa-south ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), kaya nilalangaw ang naturang bus terminal na matatagpuan sa bahagi ng EDSA-Pasay.
Jerald Ulep, RMN Manila










