
SusNanawagan ang mga senador sa pamahalaan na bawiin ang suspensyon na ipinataw ng Pasig Regional Trial Court (RTC) sa P85 na umento sa arawang sahod ng mga manggagawa.
Nag-isyu ang Pasig Regional Trial Court ng temporary restraining order (TRO) sa implementasyon ng wage hike matapos na maghain ng petisyon ang dalawang construction companies na tumukoy sa kakayahan ng mga employers na magbigay ng dagdag na sahod.
Iginiit ni Committee on Labor Chairman Joel Villanueva na hindi dapat nagkaroon ng TRO sa inaasahang dagdag na sahod at dapat agad na resolbahin at bigyang linaw ang Article 126 ng Labor Code.
Hinimok ni Senator Risa Hontiveros ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Office of the Solicitor General na ipatigil ang suspensyon sa P85 na dagdag sa arawang sahod para madismiss ang TRO.
Hinikayat din ng senadora ang business community na dumaan sila sa administrative process para sa exemption sa pagpapatupad ng salary increase.
Samantala, maghahain naman si Senator Raffy Tulfo ng panukalang batas para amyendahan ang probisyon ng Article 126 ng Labor Code na nagbabawal sa mga korte na mag-isyu ng injunctions o restraining orders laban sa mga proceedings, mga hakbang at proseso ng Regional Tripartite Wages and Productivity Boards.
Giit ni Tulfo, kakarampot na nga lang ang dagdag na sahod sa kabila ng patuloy na pagtaas ng mga bilihin ay ipagkakait pa ito sa mga manggagawa na nais lamang maitawid ang mga dagdag na gastusin.










