Pansamantalang isinara ang ilang kalsada at mga tourist attraction sa Bolinao dahil sa epekto ng masamang panahon, ayon sa magkahiwalay na abiso ng Bolinao Disaster Risk Reduction and Management Council (DRRMC) at Bolinao Tourism Office noong Lunes.
Sa advisory ng Bolinao DRRMC, hindi muna maaaring daanan ng anumang uri ng sasakyan ang Alembuyao Road sa Barangay Luciente 2 simula alas-8 ng umaga ng Agosto 3 dahil sa mataas na tubig sa lugar.
Samantala, inanunsyo ng Bolinao Tourism Office ang pansamantalang pagsasara ng Bolinao Falls bunsod ng malakas na agos at delikadong kondisyon ng tubig.
Pansamantala ring ipinagbawal ang paglangoy at iba pang water activities sa Bolinao Beach dahil parin sa umiiral na masamang panahon.
Bunsod nito, hiniling ng mga awtoridad ang kooperasyon ng mga turista at motorista habang ipinatutupad ang mga hakbang bilang pag-iingat sa kaligtasan. Wala pang inilalabas na abiso kung kailan muling bubuksan ang mga apektadong kalsada at pasyalan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








