Wednesday, August 5, 2026

Mga panukalang batas sa Kamara na layuning tuldukan ang system loss charges sa electric bill, nadagdagan pa

Bukod kina House Speaker Faustino Bodjie Dy III at Majority Leader Sandro Marcos ay naghain na rin si Marikina 1st District Rep. Marcelino Marcy Teodoro ng panukalang batas na sumusuporta sa hangarin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapahinto ang pagpapataw ng system loss charges sa electric bill.

Ito ay ang House Bill No. 10461, o panukalang Electricity Consumers’ System Loss Relief Act of 2026, na mag-aamyenda sa Electric Power Industry Reform Act (EPIRA), Anti-Electricity Pilferage Act, at National Internal Revenue Code.

Bukod sa pagtanggal sa system loss charges sa mga bayarin sa kuryente ay layunin din ng panukala ni Teodoro na huwag na itong patawan ng value-added tax (VAT).

Giit ni Teodoro, hindi makatwiran na ipapasa sa mga consumer ang system loss na hindi naman nila kinonsumo at lalong hindi makatao na sisingilin pa sila ng VAT.

Ang panukala’y bahagi ng mas malawak na adbokasiya ni Teodoro na madagdagan ang perang pumapasok sa bulsa ng pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng mga hakbang na magpapababa sa pang-araw-araw na gastusin at magpapalakas sa kanilang purchasing power.

Facebook Comments