KLASE SA APAT NA LUNGSOD SA PANGASINAN, SUSPENDIDO DAHIL SA PATULOY NA BANTA NG MASAMANG PANAHON

Sinuspinde ng mga lungsod sa Pangasinan, kabilang ang San Carlos City, Alaminos City, Urdaneta City, at Dagupan City ang face-to-face classes sa lahat ng antas sa mga pampubliko at pribadong paaralan ngayong Miyerkules, Agosto 5, dahil sa patuloy na banta ng malakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng umiiral na sama ng panahon.

Sa San Carlos City, inanunsyo ng lokal na pamahalaan ang kanselasyon ng mga klase batay sa pinakahuling weather forecast at 24-hour Rainfall Advisory ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Kasabay nito, inatasan ang mga paaralan na magpatupad ng angkop na alternative learning modalities at iba pang work arrangements upang matiyak ang pagpapatuloy ng pagkatuto habang inuuna ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, at non-teaching personnel.

Naglabas din ng abiso ang pamahalaang lungsod ng Alaminos na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa parehong araw bilang pag-iingat sa gitna ng umiiral na kondisyon ng panahon.

Sa Urdaneta City at Dagupan City, ang kanselasyon ay batay sa kanilang mga inilabas na Executive Orders para i-suspinde ang face-to-face classes sa lahat ng antas at atasan ang mga paaralan na lumipat sa online o iba pang angkop na alternative learning modalities.

Pinayuhan naman ng pamahalaang lungsod ng San Carlos ang publiko na mag-ingat sa mga kumakalat na hindi beripikadong impormasyon tungkol sa suspensyon ng klase at tiyaking sa mga opisyal na anunsyo lamang ng lokal na pamahalaan at mga kinauukulang ahensya kukuha ng impormasyon.

Patuloy namang minomonitor ng mga lokal na pamahalaan ang lagay ng panahon at ang mga susunod na abiso ng PAGASA upang matukoy kung kinakailangan ang karagdagang hakbang para sa kaligtasan ng publiko. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments