DRUG DEN SA DAGUPAN CITY, BINUWAG NG PDEA AT PNP; 6 ARESTADO, ISA TINUTUGIS

Anim na indibidwal ang arestado habang isa pa ang pinaghahanap ng mga awtoridad matapos ang isinagawang joint buy-bust operation ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 1 at Philippine National Police sa isang hinihinalang drug den sa Barangay Poblacion Oeste, Dagupan City, nitong Nobyembre 3.

Ayon sa PDEA Region 1, kabilang sa mga naaresto ang 33-anyos na alyas “Dags,” na itinuturong tagapamahala ng drug den, isang 30-anyos na empleyado, at apat na lalaking umano’y bumibisita sa lugar na may edad 26 hanggang 40.

Samantala, patuloy na tinutugis ang alyas “Moymoy,” na itinuturong katuwang sa pagpapatakbo ng nasabing drug den.

Nasamsam sa operasyon ang 17 plastic sachet ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na humigit-kumulang 9.5 gramo at standard drug value na 64,600 piso.

Narekober din ang iba’t ibang drug paraphernalia, buy-bust money at isang cellphone na umano’y ginamit sa ilegal na transaksyon.

Pinangunahan ang operasyon ng PDEA Ilocos Sur at Pangasinan Provincial Offices, katuwang ang Dagupan City Police at PNP Regional Maritime Unit 1.

Binigyang-diin ni PDEA Region 1 Director Julius Paderes na mahalaga ang koordinasyon ng mga ahensiya upang maputol ang operasyon ng ilegal na droga sa mga komunidad.

Nasa kustodiya na ng PDEA ang anim na suspek habang inihahanda ang kaukulang reklamong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Isasailalim din sa laboratory examination ang mga nakumpiskang hinihinalang ilegal na droga. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments