
Tiniyak ni Senate President Tito Sotto III na nakahanda ang Senado sa lahat ng posibleng mangyari sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.
Ito ang sinabi ni Sotto, ipasa man o hindi ng Kamara ang articles of impeachment at kung totohanin man ng minorya sa Senado na haharangin ang pag-convene ng impeachment court.
Ayon kay Sotto, puro espekulasyon pa lamang ang lahat pero anuman ang mangyari ay gagawin lamang ng Mataas na Kapulungan ang kanilang trabaho.
Sinabi ng Senate President na oras na maisumite naman ng Kamara ang mga articles of impeachment laban kay VP Sara ay agad silang mag-co-convene bilang impeachment court.
Paliwanag pa ni Sotto, batay sa Konstitusyon automatic ang pagco-convene ng Senado bilang korte kapag natanggap na ang mga articles of impeachment pero hindi ito nangangahulugan na paglilitis na agad dahil may proseso pa itong pagdadaanan bago humantong sa mismong trial.










