Isang negosyante na tumatakbong Kongresista sa 6th District ng Bulacan, humingi ng tulong sa DOJ dahil sa banta sa kanyang buhay

Nagpasaklolo na sa Department of Justice (DOJ) ang isang kumakandidatong kongresista sa 6th District ng Bulacan matapos tangkaing umanong ipapatay ng umano’y kanyang kalaban sa politika.

Kasong attempted murder at paglabag sa Anti-Terror Law ang isinampa ng negosyanteng si Jad Racal laban kina Salvador Pleyto, Major Giovanni Pagaduan, Russel Pleyto, Salvador Pleyto Jr. at Loyd Madulid.

Sa isinagawang press conference sa Quezon City sinabi ni Atty. Abraham Espejo na sakay ng 3 motorsiklo ay nagpanggap na hihingi ng tulong ang mga suspek kabilang ang gunman na kinilalang si Lloyd Rodriguez Madulidat.

Dahil sa paiba-ibang statement, natunugan ng mga tao ni Racal na may masamang balak ang mga suspek hanggang sa bumunot na ng baril at nagpaputok dahilan para ito ay maaresto.

Sa judicial affidavit ng suspek at ng ilang mga witness umamin ang nakakulong na si Lloyd Rodriguez Madulid na balak nilang patayin si Racal.

Sa imbestigasyon ng pulisya, narekober sa suspek ang isang granada, baril at mga bala.

Napag-alaman na si Lloyd Rodriguez Madulid ay isang drayber at kumikita lamang ng pera kapag mayroong pinapatrabaho sa kanya gaya ng paghatid-sundo sa mga estudyante.

Batay sa record na hawak ng kampo ni Racal, sinabi ni Atty. Espejo na konektado ang suspek sa isang major na nakatalaga sa Philippine Army.

Paliwanag pa ng abogado ni Racal na pinasok rin umano ang negosyo ng kanyang kliyente ng mga naka itim at naka bonnet na kalalakihan.

Nabatid na isa sa mga suspek ang nahuli at ikinanta umano sina Pleyto at si Maj. Pagaduan.

Nangangamba rin si Racal sa buhay ng kanyang mga team leader dahil sa kapag nangangampanya sila sa gabi ay mayroon umanong sumusunod na mga nakasakay na motorsiklo na labis ikinatatakot ng kanyang mga taga suporta.

Facebook Comments