
Tiwala ang House prosecution panel na higit ngayong makakatutok ang lahat sa mga ebidensya na kanilang ipiniprisenta sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte.
Sinabi ito ni House Trial Spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos ibasura ng Supreme Court ang mga petisyon laban sa desisyon ng Impeachment Court kaugnay sa voting threshold o kailangang bilang ng boto sa paghatol kay VP Duterte.
Sang-ayon si Adiong sa technical grounds na pinagbatayan ng pagbasura ng Kataas-Taasang Hukuman sa nabanggit na mga petisyon kabilang ang pagiging premature ng usapin at kawalan ng legal standing.
Bunsod nito ay tiniyak ni Adiong na magpapatuloy lang ang prosekusyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin sa impeachment trial.
Ito ay ang pagpipresenta ng mga ebidensya at testigo upang patunayan ang mga alegasyon laban kay VP Sara na nakapaloob sa mga Articles of Impeachment upang madetermina ng Impeachment Court kung dapat ba itong manatili sa posisyon.










