
Itinutulak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mas malaking papel ng kababaihan sa pamumuno at pagbuo ng mga polisiya sa ASEAN.
Sa 4th ASEAN Women Leaders’ Summit, binigyang-diin ng pangulo na hindi dapat manatiling benepisyaryo lamang ng kaunlaran ang kababaihan, kundi dapat maging aktibong lider at katuwang sa paghubog ng kinabukasan ng rehiyon.
Kabilang sa isinusulong ni Marcos ang mas maraming kababaihan sa Cabinet at Parliament, gayundin ang pagbibigay ng mas maraming oportunidad sa mga babaeng lider.
Hinimok din niya ang ASEAN na suportahan ang women-led businesses, kabilang ang mas madaling access sa puhunan at digital skills.
Mahalaga rin aniya ang pagkilala sa unpaid care work na maaaring maging hadlang sa pagpasok ng kababaihan sa formal workforce, pati ang pagpapalakas ng proteksyon laban sa gender-based violence online.
Hiniling ng pangulo sa mga bansang ASEAN na gawing konkretong polisiya at programa ang mga napagkasunduan sa summit bilang bahagi ng paghahanda sa ASEAN Community Vision 2045.










