
Pinatunayan lamang na naaayon sa Konstitusyon ang proseso ng Senado matapos ibasura ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukwestyon sa ruling ng Senate Impeachment Court tungkol sa 2/3 voting threshold.
Sa statement na inilabas ni Senate Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, kinikilala aniya ng Impeachment Court ang desisyon ng Supreme Court En Banc sa pagbasura sa magkahiwalay na petisyong inihain na naglalayong ipawalang-bisa ang ruling hinggil sa 2/3 voting threshold.
Sinabi ni Tongol na dahil sa pagbasura sa petisyon, pinatitibay lamang dito na ang interprestasyon at mga proseso ng Impeachment Court ay sumusunod sa Konstitusyon.
Idiniin pa ng tagapagsalita na sa pagbasura ng mga petisyon ay napapanatili ang independence ng Senado bilang Impeachment Court kung saan ang paglilitis ay hindi dapat ma-hostage o maantala dahil sa premature na panghihimasok ng hudikatura o collateral litigation.
Dagdag pa ni Tongol, ang Impeachment Court ruling tungkol sa 2/3 voting threshold noong September 23 ay mananatili at patuloy na gagampanan ng Impeachment Court ang kanilang mandato na patuloy na dinggin at pagpasyahan ang impeachment case ni Vice President Sara Duterte.










