
Dapat magsimula kay Vice President Sara Duterte ang pag-iwas sa personal na atake at mapanirang pananalita.
Ito ang sagot ng Palasyo sa pahayag ni VP Sara na dapat nakabatay sa ebidensya, at hindi sa ad hominem o personal na atake, ang mga reklamo laban sa kanya kaugnay ng impeachment.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, may mga testimonya at ebidensiyang inilalahad laban sa Bise Presidente, kabilang ang pahayag ng kanyang tauhang si Limuel Ortonio na alam umano ni Duterte ang proseso ng pag-withdraw at paggasta ng confidential funds.
Giit ni Castro, kung ayaw ng bise presidente na makarinig ng personal na atake, dapat magsimula rin sa kanya ang pagiging maingat at magalang sa pananalita.
Gayunman, nilinaw ng Malacañang na hindi nito kinukunsinti ang anumang uri ng mapanirang salita, ad hominem o personal na pambabatikos laban kaninuman.
Sinabi ng Palasyo na dapat nakatuon ang mga argumento sa mga isyu, ebidensya at testimonya, lalo na sa impeachment proceedings.










