
Pumalo na sa mahigit 9,000 mga silid aralan ang napinsala ng mga pagbaha dulot ng habagat at mga nagdaang bagyo sa bansa.
Ayon kay Department of Education (DEPED) Sec. Sonny Angara, base sa pinakahuling report, nasa 1,594 na paaralan sa buong bansa ang nagtamo ng pinsala na nakaapekto sa 9,597 classrooms.
Karamihan sa mga napinsalang silid aralan ay mula sa Central Luzon (Region III) na may kabuuang pinsalang 3,596 classrooms at mayroong minor at major damage sa 412 schools.
Umabot na sa 126,584 learners ang naapektuhan sa rehiyon.
Sa ngayon nasa 1,066 pang classrooms sa 291 schools sa buong bansa ang ginagamit bilang evacuation centers para sa 9,068 displaced families.
Dahil sa pinsala sa mga silid aralan, sinabi ni Angara na agad silang nagbaba ng suporta sa mga paaralan mula sa paglilinis hanggang sa pagpapalit ng mga nasirang modules.
Tiniyak ni Angara na hindi nila hahayaang matigil ang edukasyon ng kabataan dahil lang sa hagupit ng bagyo kayat naglabas na sila ng P318.01 million na pondo para sa minor repairs at clean-up costs para sa 1,594 na apektadong mga paaralan sa buong bansa.










