
Not guilty ang naging plea ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez sa kinakaharap na ₱7.44-billion plunder case sa Sandiganbayan.
Isinagawa ngayong Miyerkules ang arraignment ni Romualdez sa Sandiganbayan Third Division, kung saan pinayagan siyang dumalo sa pamamagitan ng video conference mula sa Quezon City Jail–Male Dormitory sa Payatas.
Kaugnay ang kaso sa alegasyon ng Office of the Ombudsman na tumanggap umano si Romualdez at kanyang mga kasabwat ng bilyun-bilyong pisong kickback mula sa flood control, infrastructure at iba pang government projects na pinondohan sa ilalim ng national budget mula 2022 hanggang 2025.
Batay sa criminal information, aabot umano sa hindi bababa sa ₱7.4 billion ang commissions, shares, kickbacks at iba pang benepisyong natanggap. Kasama sa mga kinasuhan sina dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, personal assistant ni Romualdez na si Joselyn Tragua Sereño, at Samchan Foreign Exchange Corporation president Felicito Cristobal Guevarra.
Samantala humiling rin si Romualdez ng motion for reconsideration na ilipat sa isang tertiary government hospital, partikular ang Veterans Memorial Medical Center ngunit hindi ito pinagbigyan ng korte sa kakulangan ng merito.
Giit pa ni Sandiganbayan 3rd Division Chairperson, Associate Judge Karl Miranda may iba pang mga PDL na mas malala ang kondisyon kaysa kay Romualdez.
Nauna nang isinumite ng UP-PGH na stable na ang kalagayan ng kongresista at hindi na kinakailangan ng hospital confinement.
Mananatili naman si Romualdez sa kustodiya ng Quezon City Jail habang nagpapatuloy ang kaso.










