Wednesday, October 7, 2026

Excise Tax sa diesel at gasolina, pinababawasan ng isang senador

Kinalampag na ni Senator Imee Marcos ang administrasyon ng kapatid na si Pangulong Bongbong Marcos na bawasan na ang VAT at excise tax sa diesel at gasolina at huwag lang ang LPG at kerosene.

Idiniin ni Sen. Imee na dapat isama ang diesel at gasolina kahit bahagyang bawas lang sa singil dahil higit na kailangan ito ng mga nasa transport sector, mga magsasaka at mangingisda.

Hindi aniya sapat ang pagtanggal ng excise tax sa LPG at kerosene para maibsan ang epekto ng mataas na presyo at hirap ng buhay.

Ipinunto ng senadora na hindi naman kailangan na tanggalin ang buong excise tax at kahit bawasan lang ang singil dito ay malaking tulong na para gumaan ang gastusin ng mga kababayan.

Sa kabila aniya ng rollback noong September 29, nananatili sa ₱95.17 hanggang ₱96.72 kada litro ang diesel at ₱88.78 hanggang ₱90.62 ang gasolina.

Lagpas din sa 80 USD ang threshold sa presyo ng Dubai crude oil at tumaas na ito sa 99.41 USD kada bariles.

Facebook Comments