Wednesday, October 7, 2026

Tatlong rainwater impounding facilities, itatayo sa Maynila

Magtatayo ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at lokal na pamahalaan ng Maynila ng tatlong rainwater impounding facilities sa Maynila.

Layon nito na makatulong sa pag-iwas sa pagbaha kung saan itatayo ang mga pasilidad sa Remedios Circle, Rajah Sulayman Park at Vito Cruz ASEAN Garden sa loob ng Cultural Center of the Philippines Complex (CCP).

Nabatid na nilagdaan nina MMDA Chairman Romando Artes at Manila Mayor Isko Moreno ang memorandum of agreement para sa pagpapatupad ng mga proyekto.

Tinatayang nasa 10,000 cubic meters ang magiging kapasidad ng pasilidad sa Remedios Circle, habang nasa 8,000 cubic meters naman sa Rajah Sulayman Park at 9,600 cubic meters naman ng tubig ang kayang maimbak ng pasilidad sa Vito Cruz ASEAN Garden.

Ang naturang proyekto ay bahagi ng Metro Manila “Sponge City Program” at may P4 bilyong pondong inilaan para sa mga rainwater catchment facility.

Target naman na matapos ang mga proyekto bago ang tag-ulan sa susunod na taon at nasa 39 pang lokasyon sa Metro Manila ang natukoy para isagawa ang katulad na proyekto.

Facebook Comments