Face-to-face graduation, hiniling ng isang kongresista

Hinimok ni Kabayan Partylist Rep. Ron Salo ang Inter-Agency Task Force (IATF) at Department of Education (DepEd) na payagan na ang face-to-face graduation para sa taong ito.

Giit ni Salo, mismong ang mga mag-aaral at mga magulang na ang umaapela na payagang pisikal na makapagdaos ng graduation ang mga estudyante kung may pagkakataon.

Dahil dito, pinaglalabas ng kongresista ang IATF at DepEd sa lalong madaling panahon ng guidelines para sa face-to-face graduations.


Ipinunto pa ng mambabatas na marami na ang nabakunahan at panahon na para pagbigyan ang mga estudyante at mga magulang na maramdaman naman ang benepisyo ng national vaccination program at maranasan ang normal na kondisyon makalipas ang dalawang taong pandemya.

Dagdag pa ng kongresista, natural lamang na payagan na dapat ang face-to-face graduation ceremonies dahil pinapayagan naman na ang unti-unting pagbabalik sa klase sa mga piling lugar sa bansa.

Facebook Comments