
Hinamon ni Kamanggagawa Party-list Rep. Eli San Fernando si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang panukalang batas para ma-amyendahan ang EPIRA o Electric Power Industry Reform Act.
Diin ni San Fernando, paraan ito para mapatunayan ni Pangulong Marcos na seryoso ang sinabi nya sa State of the Nation Address na tuldukan ang pagpapataw ng system loss at 12% Value Added Tax sa singil sa kuryente.
Giit ni San Fernando, dapat pumanig si Pangulong Marcos sa mamamayan at banggain si Meralco Chairman Manuel V. Pangilinan.
Mensahe ito ni San Fernando makaraang sabihin umano ni Pangilinan na posibleng hindi maka-survive ang power industry kapag naipatupad ang mga nabanggit na mga repormang isinulong ni PBBM sa kanyang SONA na layuning mapagaan ang pasanin ng taumbayan.
Apela ni San Fernando kay President Marcos, panindigan ang kanyang mga ipinangako sa SONA at huwag magpatinag sa mga oligarkiya.










