Flight data recorder ng bumagsak na FA-50 fighter jet, dadalhin sa Amerika

Nagpapatuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga awtoridad hinggil sa pagbagsak ng FA-50 fighter jet ng Philippine Air Force (PAF) sa Bukidnon na ikinasawi ng dalawang piloto nito.

Ayon kay PAF Spokesperson Col. Ma. Consuelo Castillo, matapos ma-secure ang lugar na pinagbagsakan ng eroplano sa Mt. Kalatungan, nakababa na ang investigation team dala ang ilang bahagi ng aircraft para ipagpatuloy ang kanilang imbestigasyon.

Sinabi pa ni Castillo na dadalhin naman sa Amerika ang narekober na flight data recorder o black box ng bumagsak na fighter jet para sa kaukulang extraction ng mga voice at data details ukol dito.


Samantala, ipapadala ang mga nakalap na datos sa South Korea na manufacturer ng fighter jet.

Sa ngayon, hindi pa masabi ng PAF kung gaano katagal tatakbo ang imbestigasyon pero umaasa siya na lalabas ang resulta nito sa lalong madaling panahon.

Facebook Comments