
Bumaba ang naitalang crime against persons ng Philippine National Police (PNP) sa nakalipas na dalawang linggo ng implementasyon ng Safer Cities Initiatives.
Ayon kay PNP Director for Operations Brigadier General Ponce Rogelio Peñones, kabilang sa mga krimen na binabanggit rito ang murder, homicide, physical injury at rape.
Nabatid na malaking tulong sa pagbaba ng krimen ang paghuli sa mga lumabag dahil sa pag-iinom ng alak, dahil dito nagsisimula ang ilang mga krimen kagaya ng murder at physical injury.
Base sa 9 na araw na comparative monitoring bago at simula ng implementasyon ng nasabing inisiyatiba, bumaba ang kaso ng murder ng 9.8%, homicide 39.3 %, physical injury na may 22.7% at rape na bumaba ng 22.9 %.
Samantala, inamin nito na ang kaso ng robbery at theft ay tumaas pero pagtitiyak nya na ginagawa PNP ang lahat ng mga hakbang para bumaba ang nasabing mga insidente.










