
Nilinaw ni Palace Press Officer Usec. Claire Castro na wala silang isinampang reklamo matapos ang insidente ng pangha-harass na naranasan nila sa ilang mga Overseas Filipino Workrers (OFW) sa Canada.
Kasunod ito ng mga kumakalat na ulat sa social media na posibleng ma-deport ang ilan sa mga sangkot sa insidente.
Ayon kay Castro, wala siyang alam kung may magiging hakbang ang Philippine Embassy o ang Department of Foreign Affairs (DFA) kabilang ang usapin ng posibleng deportation.
Sinabi rin ni Castro na hindi sila ang nagpakalat ng viral video ng insidente at wala rin silang planong palakihin ang nangyari.
Samantala, sinagot ni Castro ang pahayag ni Senador Robin Padilla na huwag maging “balat-sibuyas” dahil bahagi ng public service ang batikos at pang-iinsulto.
Giit ni Castro, hindi pagiging “balat-sibuyas” ang tunay na usapin kundi ang hindi dapat pagkunsinti sa pagmumura, pagbabanta at pagdarasal ng kapahamakan sa kapwa.
Handa naman daw tanggapin ni Castro ang paghingi ng tawad ng mga nang-harass sa kanya dahil wala siyang kinikimkim na sama ng loob.










