Friday, October 16, 2026

Globe, nanguna sa NTC SMS test, mas pinalawak at pinalakas ang network coverage

Mas pinalawak ng Globe Telecom ang network infrastructure nito at pinag-aralan ang paggamit ng satellite direct-to-cell technology upang mapahusay ang mobile connectivity.

Sa pinakahuling pagsusuri ng National Telecommunications Commission (NTC), nakapagtala ang kompanya ng 99.41% SMS success rate sa Metro Manila.

Batay sa quality-of-service tests ng NTC, pinakamataas ang average SMS success ratio ng Globe laban sa tatlong mobile operator sa bansa.

Ito rin ang nag-iisang provider na nakapasa sa itinakdang pamantayan ng regulator na higit sa 99%.

Nakapagtala ang Globe ng average call drop ratio na 0.74%, mas mababa sa 2% na limitasyon ng NTC, at peak mobile download speed na 381 megabits per second.

Sa kabuuan, 113 sa 142 test campaign ng tatlong operator ang nakapagtala ng mobile broadband speed na lagpas sa 50 Mbps.

Ayon sa NTC, lubos na kasiya-siya ang performance ng mobile broadband sa karamihan ng mga lugar na kanilang sinuri.

Ayon sa Globe, patuloy nitong pinatitibay ang network sa pamamagitan ng mga naka-target na infrastructure upgrade, mas mabilis na pagtatayo ng mga network site, at pagpapalawak ng coverage sa mga komunidad na kulang sa serbisyo.

Facebook Comments