
Ilang araw bago ang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., nagsagawa ng kilos-protesta ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa harapan ng Malacañang.
Ito ay bilang pagkondena nila sa pagkabigo umano ng administrasyon na tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mga guro.
Kabilang dito ang kakulangan sa mga teacher, support personnel, kagamitan at maging mga silid-aralan.
Ipinapanawagan din nila ang pagkakaroon ng disente at nakabubuhay na sahod, dagdag benepisyo, sapat na pondo para sa edukasyon at ang pagpapanagot sa mga nasa likod ng korapsyon.
Ayon sa grupo, kinakailangan nang itaas sa P50,000 ang entry-level na sahod para sa mga guro sa bansa.
Pinigilan ang grupo pagdating sa gate ng Malacañang ngunit ipinagpatuloy nila ang kilos-protesta.










