
Pinayuhan ng Malacañang si Senator Alan Peter Cayetano na akuin ang kabiguang maipasa ang panukala niyang ₱10,000 ayuda sa bawat pamilya, sa halip na isisi ito kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, unang isinulong ni Cayetano ang ₱10,000 ayuda noong kongresista pa siya sa panahon ng Duterte administration.
Ngunit hindi umano ito umusad sa Kongreso at hindi rin naisama sa 2022 national budget, bago pa man maupo sa puwesto si Pangulong Marcos.
Iginiit ni Castro na walang batayan ang pahayag na ni-reject ng pangulo ang panukala dahil hindi naman ito umabot sa puntong maaari na itong aksyunan ng chief executive.
Dagdag pa ni Castro, kung pagbabatayan ang timeline, panahon pa ni dating Pangulong Rodrigo Duterte nabigong maisulong ang panukala.
Aniya, posibleng hindi naniwala ang Duterte admin sa panukala ni Cayetano kaya hindi rin ito umusad.
Payo ng Malacañang kay Cayetano, pag-aralan pang mabuti ang kanyang panukala at hikayatin ang kapwa mambabatas na suportahan ito para hindi matulad sa pangakong “ala-jetski” na nananatili lamang umanong pangako sa panahon ng kampanya.










