HALAGA NG PINSALA SA AGRIKULTURA SA ILOCOS REGION DAHIL SA EL NIÑO, UMABOT SA ₱157.87 MILYON; SAN ROQUE DAM, LAMPAS SA NORMAL HIGH WATER LEVEL

Umabot sa tinatayang ₱157.87 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura sa Ilocos Region dahil sa epekto ng El Niño, batay sa pinakabagong datos ng Department of Agriculture Disaster Risk Reduction and Management Operations Center o (DA-DRRM OpCen).

Sa Situationer Bulletin No. 1 na inilabas ng DA DRRM Ilocos Region noong October 27, 2026, nakapagtala ang rehiyon ng 5,862 apektadong magsasaka at 2,470.78 ektarya ng mga lupang sakahan na napinsala.

Pinakamalaki ang epekto sa sektor ng palay, na siyang nagtamo ng pinakamalaking pagkalugi sa produksiyong agrikultural.

Samantala, batay sa pinakabagong monitoring update ng DOST-PAGASA noong Oktubre 21, mayroong malakas hanggang napakalakas na El Niño sa Tropical Pacific.

Inaasahang magpapatuloy ang kasalukuyang El Niño hanggang sa unang quarter ng 2027, at posibleng maabot ang pinakamataas na antas nito bago matapos ang 2026. Maaari ring magpatuloy ang mga epekto nito sa unang kalahati ng 2027.

Kaugnay nito, nananatiling pangkalahatang matatag ang antas ng tubig sa mga pangunahing dam, kabilang ang San Roque Dam na nakapagtala ng 281.54 metro above sea level o MASL.

Patuloy namang magbibigay ng mga update ang DA-DRRM OpCen hinggil sa mga epekto ng El Niño sa Ilocos Region. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments