BATANG PANGASINENSE, IKATLONG SUNOD NA NAGKAMPEON SA NATIONAL AGE GROUP TRIATHLON SERIES 2026

Sa murang edad, unti-unti nang hinuhubog ni John Roveno “Enchong” Javier ang sarili niyang pangalan sa mundo ng sports.

Sa bawat karera, hindi lamang bilis at lakas ang kaniyang ipinapakita, kundi pati ang dedikasyon at determinasyong maabot ang kaniyang mga pangarap.

Sa edad na 15, muling pinatunayan ng Grade 10 student ng Pangasinan National High School ang kaniyang husay matapos masungkit ang ikatlong kampeonato sa National Age Group Triathlon Series o NAGT 2026.

Sa ginanap na kompetisyon sa Tudela, Camotes Island, Cebu noong nakaraang Sabado, natapos ni Enchong ang karera sa Duathlon Under-15 category sa loob lamang ng 35 minuto at 24 na segundo.

Ang panibagong tagumpay na ito ay patunay ng kaniyang patuloy na pagsisikap at pagpupursige sa larangan ng duathlon, isang kompetisyong nangangailangan ng tibay, disiplina at determinasyon.
Bitbit din ni Enchong ang inspirasyong nagmumula sa kaniyang amang si Robeno Javier, isang dating medalist sa Asian Beach Games.

Ngunit sa kabila ng pamana ng kaniyang ama, patuloy na nagsisikap si Enchong na bumuo ng sarili niyang pangalan at mag-iwan ng sariling marka sa larangan ng sports.

Mula sa pagiging batang atleta, patuloy na pinatutunayan ni Enchong na sa tulong ng sipag, disiplina at determinasyon, ang tagumpay ay hindi lamang minsanang nakakamit—maaari itong maipagtanggol at muling makamit. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments