Ginantimpalaan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Regional Office I ng ₱55,179.84 ang isang impormanteng may codename na “JP” dahil sa impormasyong nag-lead sa pag-aresto ng apat na high-value drug personalities sa Rosales, Pangasinan.
Ipinagkaloob ang cash incentive sa PDEA sa San Fernando City, La Union, sa ilalim ng Operation Private Eye o OPE, isang programa ng ahensiya na naghihikayat sa mga mamamayan na magbigay ng impormasyon laban sa ilegal na droga.
Ayon sa PDEA, ang impormasyong ibinigay ni “JP” sa PDEA Ilocos Sur Provincial Office ang nagbigay-daan sa isang buy-bust operation noong April 13, 2026, sa Barangay Carmen East sa Rosales.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaaresto ng apat na high-value drug personalities at pagkakasamsam ng 511.37 gramo ng hinihinalang shabu.
Ipinagkaloob ang gantimpala alinsunod sa OPE Reward Committee Resolution Number 3, Series of 2026.
Pinangunahan nina PDEA Regional Office I Director Julius M. Paderes at Assistant Regional Director Janmark Malibiran ang pagkakaloob ng gantimpala.
Binigyang-diin ni Paderes ang kahalagahan ng aktibong pakikilahok ng publiko sa paglaban sa ilegal na droga, dahil hindi lamang nakasalalay sa mga awtoridad ang pagpapanatili ng kapayapaan at kaligtasan ng mga komunidad.
Sa ilalim ng Operation Private Eye, gumagamit ng mga codename upang mapangalagaan ang pagkakakilanlan ng mga impormante.
Sinusuri rin ng isang komite ang mga gantimpala upang matiyak ang wastong pagsusuri at pag-apruba sa mga ito. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








