₱170–₱175 MINIMUM FARMGATE PRICE NG BABOY, IPINATUPAD SA NATIVIDAD; PAGPASOK NG LIVE HOGS AT PORK CARCASS, PANSAMANTALANG IPINAGBAWAL

Nagtakda ng pansamantalang minimum farmgate price at nagpatupad ng pagbabawal sa pagpasok ng mga buhay na baboy at pork carcass ang bayan ng Natividad, Pangasinan.

Ito ay matapos lagdaan ni Mayor Rosita G. Rafael noong Oktubre 20 ang Executive Order No. 99, Series of 2026.

Batay sa kautusan, itatakda sa ₱175 kada kilo ang minimum farmgate price ng mga baboy na may timbang na 80 kilo pataas, habang ₱170 kada kilo naman sa mga baboy na may timbang na 79 kilo pababa.

Target unano nitong tulungan ang mga lokal na hog raiser na makabawi sa gastusin sa produksyon at maprotektahan ang kanilang kabuhayan, na naapektuhan ng African Swine Fever o ASF.

Pansamantala ring hindi papayagan ang pagpasok ng mga live hogs at pork carcass.
Mahigpit itong imomonitor ng Municipal Agriculture Office, Market Supervisor, Meat Inspector at iba pang kinauukulang tanggapan.

Samantala, ipatutupad ang executive order hanggang sa amyendahan o suspendihin ng lokal na pamahalaan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments