Pinaghahanda ang mga electricity consumers sa ilang bahagi ng Pangasinan sa magkahiwalay na scheduled power interruption ngayong Sabado at Linggo, Oktubre 10 at 11.
Sa Sabado, Oktubre 10, walong oras na brownout mula alas-7 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon ang nakatakda sa ilang lugar na sakop ng CENPELCO.
Kabilang dito ang buong Alcala, Bautista at Basista, gayundin ang malaking bahagi ng Bayambang at San Carlos City.
May ilang bahagi rin ng Malasiqui, Urbiztondo at Binmaley na kasama sa interruption, habang ibang schedule naman ang ipatutupad sa ilang lugar sa Malasiqui.
Ang interruption ay kaugnay ng line maintenance at pagkukumpuni ng power transformer sa San Carlos Substation, kasama ang maintenance works ng NGCP sa Bayambang-Ketegan 69kV line segment.
Pagsapit naman ng Linggo, Oktubre 11, mas mahabang 12-oras na power interruption mula alas-6:30 ng umaga hanggang alas-6:30 ng gabi ang mararanasan sa western Pangasinan.
Ayon sa PANELCO I, sakop nito ang Agno, Alaminos City, Anda, Bani, Bolinao, Burgos, Dasol, Infanta at Mabini.
Apektado rin ang CENPELCO Labrador at Sual substations dahil sa mga gagawing load shifting at maintenance sa Labrador-Bolinao 69kV line.
Kasabay nito ang energization ng 5MVA power transformer ng PANELCO I sa Bobonot Substation.
Maaaring maibalik ang suplay nang mas maaga kapag natapos agad ang mga nakatakdang gawain.
Dahil dito, pinapayuhan ang mga consumer sa mga apektadong lugar na mag-charge nang maaga, maghanda ng power banks at emergency lights, at planuhin ang mga gawaing nangangailangan ng kuryente bago magsimula ang interruption.
Paalala rin ng mga power provider na ituring na energized sa lahat ng oras ang mga linya at kagamitan para maiwasan ang anumang aksidente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








